Sakop ng inisyung compassionate special permit (CSP) ng Food and Drug Administration (FDA) para sa paggamit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na Sinopharm si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni FDA Director General Eric Domingo na aniya’y una nang hiningi ng Presidential Security Group para sa naturang bakuna na donasyon ng China bago pa dumating ang ibang mga COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ani Domingo, hiningi ang special permit na ito para mapahintulutan ang paggamit ng Sinopharm upang maprotektahan ang pangulo at sa malamang ay ito na rin ang ginamint ng presidente.
Maliban sa pangulo, sakop din ng CSP ang mga asawa o partner ng bawat miyembro ng PSG.
Una rito, nagpabakuna si Pangulong Duterte kahapon ng Sinopharm vaccine na mula sa China na kung magugunita ay naging kontrobersyal at tinawag na smuggled vaccine matapos itong iturok sa miyembro ng PSG kahit hindi ito rehistrado o otorisadong gamitin at hindi pa noon nagsisimula ang opisyal na vaccination program sa bansa.