Seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging hamon nito sa Estados Unidos na magdeklara ng giyera laban sa China.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng pahayag ng pangulo na dapat maunang magdeklara ng giyera ang Amerika laban sa China para mapigilan ang isinasagawang militarisasyon nito sa South China Sea.
Ayon kay Panelo, susuportahan ng Pilipinas ang Amerika kung uumpisahan nito ang pagdedeklara ng giyera sa China dahil magkaalyado aniya ang mga Pilipino at Amerikano.
Binigyang diin naman ni Panelo na bagama’t hindi handa ang Pilipinas sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng dalawang nagkakainitang bansa ay wala naman aniyang problema dahil nasa likod lamang ng Amerika ang Pilipinas.
Una nang hinamon ni Pangulong Duterte ang Amerika na magdeklara ng giyera sa China kasunod ng natanggap nitong batikos sa paraan ng kanyang paghawak sa usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.