Muling nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kaniyang utos sa Pambansang Pulisya na lipulin ang mga tambay sa kalsada.
Ito’y makaraang i-ulat ng Philippine National Police o PNP na umakyat na sa humigit kumulang 7,000 na ang naaarestong tambay sa Metro Manila pa lang nitong nakalipas na linggo.
Sa kaniyang talumpati sa Iloilo City kahapon, sinabi ng Pangulo na nais lamang niyang maging ligtas ang mga kalsada para sa mga mamamayan tulad ng kaniyang ginawa nuong siya’y alkalde pa ng Davao City.
“Tapos ‘yung utos ko sa pulis na ‘yung mga tambay, sundin lang ‘nyo ‘yung utos ko. Wala namang inaaresto. I just don’t want you using the streets to loiter.”
“Masunod ko lang ‘yang Davao sa lahat okay na, komportable na tayo . That’s the kind of life I want for every Filipino. You can walk around, park to rural.” Ani Pangulong Duterte
Una rito, umani ng kaliwa’t kanang batikos ang utos na ito ng Pangulo sa pangambang maging daan ito para maulit ang mga pang-aabuso na naranasan sa panahon ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pero nanindigan ang Pangulo, tanging ang mga may paglabag lamang sa ipinatutupad na ordinansa ng bawat lungsod o bayan ang aarestuhin at hindi ang mga inosenteng nasa kalsada lamang.
“Hindi ‘yan para sa kriminal, huwag kayong magpakita diyan kasi kayo ang walang katuwiran na magpasyal-pasyal kasi kung makita kita, madampot kita, ayun na ‘yung last pasyal mo” Pahayag ni Pangulong Duterte
—-