Sinisi ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Aquino administration sa anito’y paglala ng problema sa West Philippine Sea matapos tanggalin ang mga barko ng Pilipinas.
Ayon sa pangulo, ang pag-aalis ng mga barko ng bansa ng dating pangulong Noynoy Aquino ay nagpapakita na hindi pag-aari ng Pilipinas ang karagatan.
Ayaw aniya niyang makipag-away sa China at wala siyang interes sa mga isda kaya’t pumapayag siyang makihati ang China sa kung ano ang naroon sa lugar.
Subalit, binigyang diin ng pangulo na hindi siya papayag kapag ang kinuha ng China ay langis, nickel at mga mahahalagang bato, at ito aniya ang dapat aksyunan ng gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi pa ng pangulo na mababawi lamang ang West Philippine Sea kung magkakaroon ng puwersahang pag-angkin.