Sinopla ni Pangulong Rodrigo Duterte si reelectionist Senator Grace Poe dahil sa ginawa nitong pagtutol na maresolba ang napakatagal nang problema sa trapik sa kahabaan ng EDSA.
Ngunit ayon sa pangulo, wala naman siyang problema sakaling manalo ang senadora sa magaganap na local at national elections bukas.
Sa talumpati ng punong ehekutibo sa miting de avance ng Hugpong ng Pagbabago-Hugpong sa Tawong lungsod sa Davao City, binanggit ng presidente ang ginawang pagharang ni poe sa planong paglalaan sana ng malaking pondo para masolusyunan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Matatandaang sinabi noon ni Poe, na nangangamba siyang mauwi lamang sa kurapsyon ang malaking pondo na ilalaan para sa pagpapabuti ng sitwasyon sa EDSA.
Dahil dito, binweltahan ng pangulo ang reelectionist senator, at sinabing, puno ng malisya ang pahayag ni Poe na tila tingin nito sa sarili siya lamang ang matinong tao sa mundo.
Pahayag ng pangulo, hihingi na lamang siya ng tulong sa iba at posibleng lapitan nya ang China para dito.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, dahil sa ginawang pagtutol ni Poe kaya’t hanggang ngayo’y hindi parin nareresolba ang matinding problema ng trapiko sa EDSA.
Hindi umano niya nalilimutan ang kanyang pangakong sosolusyunan ang mabigat na traffic situation sa nabanggit na pangunahing lansangan pero kailangan aniya ng pera upang maisakatuparan ito lalo nat wala na aniyang libre ngayon sa mundo.