Sorpresang ininspeksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ngayong araw.
Kasunod ito ng naranasang delay sa mga flights kahapon ng gabi, Hunyo 9 dahil sa itinaas na red lightning alert.
Ayon sa Malakanyang, kinausap ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng NAIA at mga airline companies para hingan ng impormasyon hinggil sa mga nangyaring flight delays at cancellation.
Gayundin, para alamin kung nagkaroon ng pag-divert ng biyahe ng eroplano at nabigyan ng insentibo ang mga apektadong pasahero.
Isinailalim din si Pangulong Duterte sa briefing kasama ang mga managers ng Philippine Airlines at airport duty manager ng NAIA Terminal 2 para maipaliwanag ang kanilang ginawang hakbang para maibalik sa normal ang sitwasyon sa paliparan.
Dagdag ng palasyo, kinausap din ng pangulo ang mga apektadong pasahero para humingi ng paumanhin sa nangyaring aberya kasabay ng pangakong hahanapan ng solusyon ang problema sa loob ng isang buwan para hindi na ito maulit pa.