Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na talakayin sa kanyang mga kapwa lider ang isyu ng West Philippine Sea at ang kalakalan sa rehiyon kasabay ng 3 araw na 35th Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit na ginaganap sa Thailand.
Ayon sa Malakanyang, inaasahang isusulong dito ng punong ehekutibo ang maagang pagkakaroon ng Code of Conduct o COC sa South China Sea.
Nakatakda ring buksan ng pangulo ang usapin kaugnay sa pagtugon sa mga banta ng seguridad tulad ng terorismo, drug trafficking at iba pang transnational crimes.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na pagsisikapan ng Pilipinas na mapagtibay at maipatupad na ang COC.
Naniniwala naman si Presidential Spokesman Salvador Panelo na tatapusin ng chief executive ang lahat ng kanyang mga naka-iskedyul na aktibidad sa bansang Thailand.
Samantala, tahimik naman si Panelo sa isyu ng umano’y harassment ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Scarborough Shoal.
Bunsod nito, posible ring mabigyang pansin sa pagpupulong na ito ang pagtalakay sa kasunduan ng 16 na miyembro sa malayang kalakalan sa Asya sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.
Tiwala naman si Trade Secretary Ramon Lopez na malalagdaan na ang free trade deal sa Pebrero ng taong 2020 sa kabila ng reklamo ng India hinggil sa pagbaha ng mga China products doon.