Muling inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang magbitiw sa tungkulin oras na mapatunayang sangkot siya o sinuman sa kanyang mga anak sa anumang korapsyon.
Kasunod nito, hindi aniya katanggap-tanggap kung meron mang ilalabas na ebidensya si Senador Antonio Trillanes dahil ‘basura’ umano ito.
Ang pahayag ng Pangulo ay bahagi ng kanyang talumpati sa anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command (AFP – EASTMINCOM) noong Biyernes.
Matatandaang noong kasagsagan pa lamang ng kampanya noong 2016, isiniwalat na ni Trillanes na mayroong milyon-milyong tagong yaman ang Pangulo sa bangko.
Gayunman, iginigiit naman ngayon ng senador na ipatawag sa senate hearing kaugnay sa nakapuslit na P6.4-B halaga ng shabu sa BOC o Bureau of Customs ang anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at son – in – law na si Atty. Mans Carpio.