Nananatiling tiwala ang Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa kabila ng sigalot sa South China Sea.
Kasunod ito ng report ng isang Washington based think tank hinggil sa presensya ng Chinese Government ships sa Ayungin at Panatag shoals.
Sa kanilang report nuong September 26 sinabi ng Asia Maritime Transparency Initiative na namataan ang Chinese coastguard ships sa Luconia, Second thomas shoal o Ayungin at Scarborough (panatag) shoals.
Natukoy ng AMTI ang labing apat na chinese coastguard vessels na nagbo-broadcast ng automatic identification signals habang nagpapatrulya sa mga pinag aagawang teritoryo.
Kadalasang hindi binubuksan ng CCG vessels ang kanilang ais sa kasagsagan ng patrolya subalit madalas na ipinapabatid ng mga ito ang kanilang presensya.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na aatasan muna ang Department of National Defense (DND) para isailalim sa verification ang report ng presensya ng Chinese ships sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Sakaling mapatunayang totoo ang presensya ng foreign vessels sa territorial waters ng bansa maghahain na diplomatic protest ang Pilipinas.
Idinipensa ni Panelo na epektibo ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China dahil kumonti ang foreign vessels sa mga pinag-aagawang teritoryo nang maghain ng protesta ang Maynila.