Nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapin ng pagtatayo ng casino sa mismong isla ng Boracay.
Bago umalis patungong China, iginiit ng Pangulo na hindi niya pinapayagan ang pagtatayo ng casino sa loob ng isla kahit pa inaprubahan na ito ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kasabay nito, idineklara rin ng Pangulo na kaniyang lalagdaan ang isang proklamasyon para isailalim sa State of Calamity ang isla para bigyang ayuda ang mga maaapektuhan ng pagsasara nito.
Binigyang diin pa ng Pangulo na ang kaniyang utos ay linisin ang Boracay sa loob ng anim na buwan at wala siyang kailanmang ipinag-utos na magtayo ng anumang karagdagang istruktura sa lugar.
Magugunitang binatikos ni Sen. Antonio Trillanes IV ang Pangulo na nagsabing palabas lamang umano ang pagpapalinis nito sa isla upang pagtakpan ang pagtatayo ng casino sa lugar.
—-