Makahihinga na ng maluwag ang publiko lalo na sa mga residente ng Gitnang Luzon makaraang ihayag ng DOH o Department of Health na nag-negatibo sa ginawang pagsusuri ang ilang indibiduwal na hinihinalang nahawaan ng A-H5N6 influenza virus.
Kasunod ito ng naging outbreak ng avian influenza sa bayan ng San Luis sa Pampanga habang hinihintay pa ang resulta ng isinagawang pagsusuri naman sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kahit nagkaroon ng bird flu outbreak sa iilang poultry farm sa Pampanga, wala namang naitalang tao na nahawa ng sakit sa ibon sa bansa.
Ngayong araw, nakatakdang tumulak si Pangulong Rodrigo Duterte sa San Luis Pampanga para pangunahan ang isang boodle fight kung saan, kakain siya ng mga poultry products tulad ng pritong itik, balut at chicken barbecue.
Una nang ipinaliwanag ng Bureau of Animal Industry o BAI at ng Department of Agriculture na bagama’t nakahahawa sa tao ang H5N6 strain ng avian influenza na tumama sa Pampanga, napakaliit lamang anila ang transmission rate nito.
By Jaymark Dagala / (Ulat ni Aileen Taliping)