Nananatiling kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte sa pangako ng China na hindi na sila magtatayo ng mga istruktura sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa Pangulo, makasasama hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang claimant countries kung hindi tatalima ang China sa pangako nito at magmamatigas sa kanilang pag-aangkin sa mga naturang teritoryo.
Mas mainam pa din aniyang idaan sa diplomasya ang isyu subalit sinabi ng Pangulo na may nakalatag na siyang mga hakbang sakaling baliin ng China ang pangako nito sa Pilipinas.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na pabor siya kung paghahatian na lamang ang resources sa South China Sea ng anim na claimants upang maiwasan ang posibleng sigalot.