Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na tigilan na ang pangha-harass sa mga pari.
Ito ay matapos ilahad ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga natatanggap umanong banta sa buhay ng mga pari mula sa mga taong nagpapakilalang nagtatrabaho sa Duterte family.
Sa kanyang naging talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Cebu City, nakiusap si Pangulong Duterte na huwag saktan ang mga pari lalo’t wala aniyang kinalaman ang mga ito sa politika.
Gayunman, binalaan pa rin ng pangulo ang mga miyembro ng simbahang katolika na ipapa-pako sa krus kung mahuhuling sangkot sa bentahan ng iligal ng droga.
Una rito, binasa ni Pangulong Duterte sa nasabing okasyon ang aniya’y natanggap na text message ni dating Special Assistant to the President Bong Go mula kay Tagle hinggil sa natatanggap na banta ng mga pari mula sa mga nagpapakilalang ngatatrabaho para sa first family.
Pinabulaanan naman aniya ito ni go kay Tagle at sinabing may mga gumagamit lamang sa pangalan ng pangulo at pamilya nito.
Pangulong Duterte may natanggap na banta mula sa Abu Sayyaf at ISIS
Pinag-iingat ng militar si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa natanggap nilang bantang pagpapadala ng suicide bomber ng Abu Sayyaf group at ISIS.
Ito ang isiniwalat mismo ni Pangulong Duterte sa kanyang naging talumpati sa Cebu City kagabi.
Gayunman, binigyang diin ng pangulo na hindi siya natatakot mamatay.
Aniya, dapat ang mga terorista ang maghanda ng bomba dahil pupuntahan niya ang mga ito at tatanggalin mismo ang pin ng mga bomba para sama-sama silang mamamatay.