Maaari namang pamunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DENR o Department of Environment and Natural Resources kapalit ni dating Secretary Gina Lopez.
Ito’y ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sakaling walang makita ang Pangulo na maitatalaga kapalit ni Lopez matapos mabasura ang nominasyon nito sa Commission on Appointments o CA.
Ayon kay Panelo, bagama’t walang batas na nagbabawal sa Pangulo na gampanan ang trabaho ng isang kalihim ngunit mas mainam aniyang hindi na ito gawin ng Pangulo.
Una nang sinabi ni Lopez na kanyang inirerekomenda na si Pangulong Duterte na lamang ang pumalit sa kanya sa puwesto upang matiyak na maipagpapatuloy nito ang kanyang mga nasimulan.
Protests
Samantala, ikinakasa na ng mga environment conservation advocate ang kanilang kilos protesta bilang pagkondena sa pagbasura ng Commission on Appointments sa nominasyon ni dating DENR Secretary Gina Lopez.
Ayon kay Reuben Muni, Campaigner ng Greenpeace Philippines Climate and Energy, nagsasagawa na sila ng mga konsultasyon sa iba’t ibang grupo hinggil dito.
Dapat aniyang ipakita sa pamahalaan ang pagkadismaya ng taumbayan dahil sa anila’y walang awang pagbasura sa nominasyon ni Lopez bilang kalihim.
Si Lopez ang ikalawang miyembro ng gabinete ng Pangulong Duterte na hindi kinumpirma ng CA sunod kay dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr.
By Jaymark Dagala
Pangulong Duterte uubrang maging kalihim ng DENR—Panelo was last modified: May 5th, 2017 by DWIZ 882