Makabubuting itigil na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang mga pag-aakusa dahil sa zero o wala na itong kredibilidad.
Ito’y ayon kay Senador Antonio Trillanes IV matapos nitong sabihing hindi uubrang magsara ng account sa DBS o Development Bank of Singapore via online o gamit ang internet.
Magugunitang inihayag kamakailan ng Pangulo na isinara umano ni Trillanes ang kaniyang offshore account sa Singapore noong Setyembre 8, isang araw bago magtungo ang senador sa nasabing bangko para i-verify ang kaniyang account.
Ayon kay Trillanes, kinakailangang personal na ihain ng isang indibiduwal sa DBS ang form hinggil sa closure o pagsasara ng isang account batay na rin sa kanilang patakaran na mahigpit namang ipinatutupad.
Pangulong Duterte nagoyo – Trillanes
Nagoyo o naloko umano ng isang swindler si Pangulong Rodrigo Duterte nang isapubliko nito ang mga umano’y offshore accounts ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ito’y ayon kay Trillanes ay dahil sa isang swindler o manloloko aniya ang mga nagpakilalang federal agents sa Pangulo na nagbigay ng mga impormasyon laban sa kaniya.
Kasunod nito, nakatakdang hubaran ng senador sa kaniyang privilege speech bukas ng hapon, ang pagkakakilanlan ng mga umano’y agent na nagbenta ng mga pekeng impormasyon.
Giit ni Trillanes, tila nanindigan pa rin ang Pangulo na isiwalat sa publiko ang mga umano’y impormasyon laban sa kaniya kahit pa napagsabihan na itong gawa – gawa lamang ang mga naturang dokumento.