Wala pang napipisil si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP), kapalit ng magreretirong si General Archie Gamboa.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, kanya lamang naririnig na mayroon nang mga contenders para sa posisyon.
Gayunman, maging siya aniya ay hindi kilala ang lahat ng mga contenders.
Naniniwala naman si Roque na iaanunsyo ng pangulo ang mapipili nitong bagong PNP chief sa tamang panahon lalu’t alam naman aniya nitong magbi-birthday na si Gamboa.
Ipagdiriwang ni Gamboa ang kanyang ika-56 na kaarawan na siyang mandatory age ng pagreretiro sa pnp sa darating na Setyembre 2.
Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Bernard Banac na nasa pagpapasiya na ng pangulo kung palalawigin pa nito ang termino ni Gamboa.