Kumambiyo ang Malakanyang sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito makikinig sa Supreme Court o SC at mga kongresista kaugnay sa idineklarang martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nais lamang bigyang-diin ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa Jolo, Sulu na ang mga pulis at sundalo lamang ang makapagsasabi kung dapat na bang tapusin o alisin ang idineklarang batas militar.
Iginiit ni Abella na walang intensiyon ang Pangulo na i-bypass ang Korte Suprema at lehislatura sa isyu ng martial law.
Kamakailan ay inihayag ng Pangulo na sa militar at pulisya lamang ito makikinig kung kailan dapat tapusin ang martial law sa Mindanao dahil hindi naman alam ng mga mambabatas at mga nasa hudikatura ang hirap na dinaranas ng mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City, at hindi alam ng mga ito kung paano maubusan ng dugo habang nasa bakbakan.
Agad naman itong umani ng mga puna sa mga senador at kongresista ang naging pahayag ng Pangulo dahil pagbobotohan pa lamang kung ibabasura o palalawigin ang idineklarang martial law sa Mindanao.
Mga dapat gawin ng mga sibilyan sa mga checkpoints sa ilalim ng ipinaiiral na martial law
Naglabas ng guidelines ang Malakanyang hinggil sa mga dapat gawin ng mga sibilyan sa mga checkpoints kaugnay sa ipinairal na martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na dapat na may maliwanag na ilaw sa isang checkpoint at mayroong pagkakakilanlan sa mga uniformed personnel, gaya ng nameplates sa kanilang uniporme.
Hindi kailangang lumabas sa sasakyan ang isang indibidwal na sasailalim sa checkpoint, i-lock ang lahat ng pintuan ng sasakyan at visual search lamang .
Idinagdag ni Abella na hindi kailangang sumailalim sa physical o body search, at hindi obligadong buksan ang compartment ng sasakyan, trunk o bags, at laging dalhin ang driver’s license, rehistro ng sasakyan at kapag tinatanong ng mga nasa checkpoints, maging kalmado at sumagot lamang ng maayos.
Pinayuhan din ni Abella ang mga mamamayan na i-report kaagad sa mga otoridad kapag inaakalang may paglabag ang mga nagmamando sa mga checkpoints.
By Meann Tanbio | With Report from Aileen Taliping