Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na kasuhan ang mga di umano’y nasa likod ng planong mapatalsik siya sa pwesto.
Matatandaang kahapon ay inilabas ng Malakanyang ang diagram na nag aakusa sa Liberal Party, Magdalo Group at ilan pang indibidwal ng nasa likod ng Bikoy videos at destabilization plot laban sa pangulo.
Sa naging talumpati ng pangulo sa campaign rally sa Bohol, sinabi nitong ang impormasyon na tinukoy sa bagong matrix ay nagmula sa foreign intelligence community.
Muling binanggit dito ng pangulo na ang naturang plano ay ginagawa ng mga elistang miymebro ng Liberal Party (LP) para sa kapakinabangang ng Otso Diretso candidates.
Naniniwala ang pangulo na sa huli ay lalabas din ang katotohanan.
Intelligence community kinuwestyon ni Lacson
Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang paraan kung paano nagtatrabaho ang intelligence community.
Kasunod ito ng inilabas na matrix ng Malakanyang kung saan pinangalanan sina Olympian Hidilyn Diaz at TV Host Gretchen Ho na kabilang sa mga indibwal at grupong nasa likod ng planong destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senador Lacson, si Diaz bilang isang weightlifter ay nagbigay karangalan sa bansa habang si Ho na isang volleyball player at TV host ay nakagawa rin ng pangalan dahil sa kanyang disiplina at pagsisikap.
Kaya naman sinabi ni Lacson na posible kayang ang inilabas na matrix ay maaring bunga ng excellent na intelligence community o kaya naman ay pinasok na rin ni alyas Bikoy ang National Intelligence Agency.