Dapat paigtingin pa ang database ng Overseas Filipino Workers (OFWs) para malaman ang kabuuang bilang ng mga ito sa iba’t-ibang bansa at mga gustong umuwi sa Pilipinas.
Ito ay para maibigay ng Department of Migrant Workers (DMW) ang serbisyong nararapat para sa mga OFW.
Ayon kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, ipinag-utos ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nais aniya ng punong ehekutibo na magkaroon ng mga programa para sa mga OFW na papauwi ng bansa na nais makapagtrabaho at maging investor para i-ugnay nila ang mga ito sa programa ng pamahalaan na aangkop sa kanila.
Pinatututukan din aniya ni Pangulong Marcos sakanya ang pangangalaga hindi lamang sa mga OFW kundi maging sa mga pamilya nito.
Noong Disyembre 2021, matatandaan na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11641 na magtatatag sa naturang departamento.
Sa ilalim ng batas na ito, tungkulin ng DMW na protektahan ang mga karapatan at itaguyod ang kapakanan ng mga OFW at iba pang overseas Filipinos.