Dumistansiya si Pangulong Noynoy Aquino sa isyu ng Statement Of Contributions and Expenditures o SOCE ng Liberal Party na kinukuwestiyon ng ilang grupo matapos tanggapin ng COMELEC kahit nagtapos na ang deadline sa pagsusumite nito.
Binigyang-diin ng Pangulong Aquino na mas alam ni dating DILG Secretary Mar Roxas ang detalye ng mga naging gastos at natanggap na kontribusyon ng partido.
Bagamat nakapagsumite si Vice-President elect Leni Robredo ng kanyang SOCE, kailangan pa ring magsumite ang partido nito alinsunod sa batas dahil hindi makauupo sa puwesto ang mga nanalong kandidato ng partido kung nabigong sumunod dito.
Idinagdag pa ng Pangulong Aquino na ikukunsulta niya sa mga abugado ng LP kung ano ang magiging epekto nito sakaling hindi kilalanin ng mataas na Korte ang naging aksyon ng Comelec.
By: Meann Tanbio