Balik bansa na si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang dalawang araw na pagdalo sa 29th Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Da Nang, Vietnam.
Pasado alas dose kaninang hatinggabi nang dumating ang pangulo sa Ninoy Aquino International Airport, Pasay City sakay ng Philippine Airlines chartered flight.
Ibinida ni Pangulong Duterte ang kanyang pakikipag-usap sa ilang APEC leaders kung saan tinalakay ang pagpapalago sa mga micro, small and medium enterprise, pagpapalakas sa internet connection at free-trade agreement.
Gayunman, isa anya sa malaking hamon na kinakaharap ng mga maliit na negosyante ang pahirapang proseso ng pagtatayo ng isang negosyo na kadalasang nagiging puno’t dulo ng katiwalian.
Samantala, ipinagmalaki rin ng pangulo ang pagiging produktibo ng kanyang pakikipag-usap sa mga kapwa leader sa 29th Asia Pacific Economic Agreement Summit sa Da Nang, Vietnam.
Ayon kay Pangulong Duterte, kabilang sa pinakamakabuluhan ang bilateral meeting niya kina Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin.
Nagpapasalamat din ang pangulo kina Putin at Xi sa ambag ng mga ito upang mabawi ng gobyerno ng Pilipinas ang Marawi City mula Maute-ISIS.
Freedom of navigation sa South China Sea, hindi hahadlangan
Tiniyak ni Chinese president Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi hahadlangan ng China ang freedom of navigation sa South China Sea.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang pagdating mula sa dalawang araw pagdalo sa 29th APEC summit sa Da Nang, Vietnam.
Ayon sa punong ehekutibo, walang dapat ipangamba sa ngayon ang ibang claimant sa South China Sea dahil malayang makapaglalayag ang lahat ng uri ng barko sa nasabing karagatan.
Bukod sa Pilipinas at China, inaangkin din ng Malaysia, Taiwan, Brunei at Vietnam ang mga islang bahagi ng Spratly archipelago.