Binisita at ininspeksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakaunang ospital para sa overseas Filipino workers o OFWS sa San Fernando City, Pampanga kasabay ng paggunita ng Labor Day.
Layunin ng OFW Hospital na magbigyan ng libreng serbisyong medikal ang mga nasabing indibidwal at mga benepisyaryo nito.
Kabilang sa mga tumulong para maipatayo ang pagamutan ay ang Bloomberry Cultural Foundation Incorporated na nagbigay ng 500 milyong pisong pondo habang 200 milyong pisong pondo naman mula sa PAGCOR.
Hindi naman sinabi sa naturang aktibidad kung magkano ang halaga ng pondong ibinigay ng Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Kaugnay nito, magkakaloob ng operational guidance ang Philippine General Hospital (PGH) ayon kay health secretary Francisco Duque III.
Tinawag naman ni labor secretary Silvestre Bello na “Duterte Legacy” ang OFW Hospital na operational na simula bukas.