Dumating na sa Israel si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang apat na araw na official visit.
Dakong ala-1:30 kaninang madaling araw, oras sa Pilipinas nang dumating si Pangulong Duterte sa Ben Gurion International airport sa Tel Aviv.
Sinalubong ang Pangulo nina Philippine Ambassador to Israel Nathaniel Imperial at Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz.
Bukod kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, makikipagkita rin si Duterte sa Filipino community at sasaksihan ang paglagda sa ilang kasunduan sa larangan ng labor, science at investment sa pagitan ng dalawang bansa.
Nakatakda ring bisitahin ni Pangulong Duterte ang open doors monument sa bayan ng Rishon Lezion na isang pagkilala sa open door policy ni dating Pangulong Manuel Quezon na tumanggap at bigyan ng pansamantalang matitirhan ang mga hudyong tumakas mula sa holocaust sa Europa.
Pangulong Duterte mainit na tinanggap ng mga Pinoy sa Israel
Damang–dama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa Israel.
Sa pagharap ng Pangulo sa may 1,400 Pinoy sa Ramada Hotel sa Jerusalem, inamin ng Pangulo na napaluha siya dahil naramdaman niya ang pagmamahal ng mga Pinoy doon.
Dahil dito, tiniyak ng Pangulo na babalik siya sa Israel para muling bisitahin ang mga kababayan.
Tinatayang nasa 28,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Israel na karamihan ay mga caregivers.
Samantala, pinasalamatan naman ng Pangulo ang Israel sa mabuting pagtrato sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa.—By Ralph Obina
—-