Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging “prangka” siya sa China hinggil sa territorial dispute sa West Philippine Sea sa oras na magkita-kita silang mga leader sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Da Nang, Vietnam.
Aminado si Pangulong Duterte na umaasa siya sa pangako ni Chinese President Xi Jinping na iwasang magtayo ng mga artipisyal na isla sa Scarborough o Panatag Shoal na nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Nanindigan ang punong ehekutibo na kanyang ipaglalaban ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa ilang bahagi ng Spratly Islands sa mapayapang paraan upang maiwasan ang digmaan.
Gayunman, inihayag din ng Pangulo na kung mayroong mas dapat pangalagaan na higit pa sa mga islang pinag-aagawan, ito anya ang Palawan.