Ang diarrhea, o pagtatae, ay isang kondisyon kung saan madalas at malambot o watery ang pagdumi ng isang tao.
Isa itong paraan ng katawan upang alisin ang mga mikrobyo o bagay na nakairita sa tiyan at bituka.
Maraming posibleng sanhi ang diarrhea, kabilang na ang viral o bacterial infection; pagkain ng kontaminadong pagkain o inumin; pag-inom ng ilang uri ng gamot, tulad ng antibiotics; o kaya naman ay epekto ng stress at ilang kondisyon tulad ng irritable bowel syndrome.
Kabilang sa mga sintomas ng diarrhea ang madalas na pagdumi, pananakit ng tiyan, pag-utot, pagduduwal, at minsan ay lagnat o panghihina.
Ang pangunahing lunas sa diarrhea ay ang pagpapanatili ng sapat na hydration sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig o oral rehydration solution upang mapalitan ang nawawalang electrolytes.
Kapag matagal na ang pagtatae o may kasamang dugo sa dumi, mataas na lagnat, o matinding pananakit ng tiyan, mainam na kumonsulta agad sa doktor para sa tamang pagsusuri at paggamot.—sa panulat ni John Riz Calata