Ikinalugod ng Malakanyang ang pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paunang resulta ng online poll ng Time Magazine para sa pagpili ng ‘Most Influential People in the World’ ngayong taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, utang na loob ng Pangulo sa mga Pilipino na nasa iba’t ibang panig ng mundo ang suportang ipinapakita sa kanyang adhikaing magkaroon ng tunay na pagbabago sa lipunan.
Bilang lingkod bayan, tapat anya na pinagsisilbihan ng Pangulo ang taongbayan at hindi ito naghihintay ng anumang pagkilala.
Inihayag ni Abela na para sa Pangulo, ang pagiging Presidente ay nagsimula at magtatapos sa interes ng publiko.
Nakuha ni Pangulong Duterte ang pinakamaraming boto at nalampasan nito ang iba pang global figures tulad nina Pope Francis, Canadian Prime Minister Justin trudeau, R and B Star Beyonce at German Chancellor Angela Merkel.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping