Nais nang ipasara ng Antique provincial government ang Panian Pit matapos ang aksidenteng pumatay sa 6 na minerong nagtatrabaho para sa Semirara Mining and Power Corporation.
Ayon kay Antique Governor Rhodora Cadiao, dalawang aksidente na ang nangyari sa Panian Pit na hindi mismong pader ang gumuho kundi ang gabundok na lupang nahukay at inilagay sa bunganga ng butas.
Nabatid na aabot na sa dalawa’t kalahating kilometro below the sea level na ang hinuhukay sa Panian Pit kaya’t halos dagat na umano ang nahuhukay dito.
Samantala, itinuloy ngayong araw na ito ang rescue at retrival operations sa mga nawawalang minero mula sa gumuhong coal mine sa Semirara Island sa Caluya, Antique.
Ipinabatid ni Caluya Mayor Genevive Lim-Reyes na nananatili sa 6 ang narerekober na mga labi, 3 ang nawawala at 5 ang survivor
Ayon kay Reyes, nagbigay na sila ng tig-P25,000 na financial assistance sa pamilya ng 9 na biktima at tig-P10,000 naman sa kada isa sa 5 survivor.
Bukod pa aniya ito sa financial assistance na ibinigay ng pamunuan ng minahan sa mga nasawi at survivors.
Kasabay nito, tiniyak ni Reyes ang patuloy na psychological briefing at stress debriefing sa pamilya ng mga biktima.
By Judith Larino