Patuloy na nakararanas ng aftershocks ang lalawigan ng Surigao Del Sur matapos yanigin ng magnitude 5.5 na lindol ang nasabing lugar kahapon.
Dakong 4:18 kaninang madaling araw nang maramdaman ang magnitude 2.9 na lindol sa bahagi ng Carrascal sa nabanggit na lalawigan na 28th aftershocks na naramdaman sa lugar.
Una rito, sumampa na rin sa 51 ang bilang ng mga nasugatan matapos mapinsala ang ilang istruktura sa mga bayan ng Lanuza, Carmen, Cantilan at Madrid.
Samantala, niyanig din ng magnitude 4.5 na lindol ang Surigao Del Norte, dalawang minuto bago nangyari ang aftershock sa Surigao Del Sur dakong 4:16 kaninang madaling araw.
Natukoy ang episentro ng pagyanig sa layong 87 kilometro silangan ng Burgos sa Surigao Del Norte.
Tinatayang nasa 45 kilometro mula sa episentro ang lalim ng pagyanig at tectonic ang pinagmulan nito.
Naramdaman ang instrumental intensity 2 sa Borongan City sa Eastern Samar.