Isang bagong bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang tropical storm na may international name na “Saola”, ay huling namataan sa layong isanlibo’t dalawandaang (1,200) kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa walumpung (80) kilometro kada oras malapit sa gitna at may pabugsong nasa siyamnapu’t limang (95) kilometro kada oras.
Inaasahang kikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na dalawampu’t isang (21) kilometro kada oras.
Sa oras na pumasok sa PAR, papangalanan ang bagyo bilang “Quedan” at magiging ika-17 bagyong papasok sa bansa.