Epektibo na ngayong araw ang ika-apat na sunod na linggong bawas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa kumpaniyang Pilipinas Shell, Petron, Seaoil Philippines, at Chevron Philippines o Caltex, P1.85 centavos ang magiging bawas-singil sa presyo ng kada litro ng diesel; P.40 centavos naman ang magiging tapyas sa kada litro ng gasolina; habang P1.30 centavos naman ang ibabawas sa kada litro ng kerosene.
Magpapatupad din ng kaparehong presyo ang kumpaniyang Petro Gazz, PTT Philippines, Phoenix Petroleum Philippines, at Cleanfuel maliban nalang sa kerosene na wala sila.
Nagsimula ang implementasyon sa ilang kumpaniya ng langis kaninang alas-6 ng umaga maliban nalang sa kumpaniyang Cleanfuel na magpapatupad mamayang alas-8 ng umaga at Caltex na nagpatupad naman kaninang alas-12 ng hatinggabi.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, ang dahilan ng bawas singil sa presyo ng langis ay nakabatay sa anunsyo ng European Central Bank (ECB) hinggil sa pagtaas ng kanilang interes at trading price.
Inaasahan naman ng ahensya na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng gasolina kung ang US Federal Reserve ay agresibong magtataas ng mga rate sa kanilang interes na maaaring magpabagal sa aktibidad ng ekonomiya o mas mababang demand na magpapababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa huling datos ng DOE nito lamang Hulyo a-19 hanggang a-21, ang year to date adjustments sa kada litro ng diesel ay maglalaro sa P73.30 centavos hanggang P81.41 centavos habang nasa P70.20 centavos hanggang P77.45 centavos naman sa kada litro ng gasolina.