Sasampahan din ng kasong kriminal ang nasa 20 pang hindi pa pinapangalanang local officials na sangkot din umano sa illegal trade.
Ito’y ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Jonatahan Malaya makaraang una nang ibulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa 40 opisyal na kabilang sa narco list.
Ayon kay Malaya, patuloy ang validation at imbestigasyon nila hinggil sa panibagong bugso ng mga sangkot umano sa iligal na droga.
Sa ngayon ay wala pa itong ipinapahayag kung kailan inaasahang ihain ang mga criminal charges sa mga nakatakda pang isiwalat na pangalan ng mga opisyal.
Nilinaw din ni Malaya na walang kinalaman at nagkataon lamang na sa panahon ng eleksyon naisiwalat ang 40 lokal na opisyal na nasa narco list.
CHR pinatitiyak na matibay ang ebidensya ng DILG vs. narco politicians
Pinatitiyak ng Commission on Human Rights o CHR na matibay ang ebidensyang hawak ng Department of Interior and Local Government o DILG laban sa mga lokal na opisyal na kasama sa narco list.
Ito’y makaraang ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa 40 pangalan ng mga lokal na opisyal na sangkot umano sa illegal trade.
Ayon kay CHR Spokeswoman Jacqueline de Guia, kinakailangang matibay ang ebidensyang ilalatag ng DILG sa korte dahil posible anyang makasuhan ang mga opisyal nito pag napatunayang inosente ang mga politikong kabilang sa narco list.
Hindi lamang aniya pangalan ng politiko ang masisira rito, kundi maging ang pangalan ng kanilang mga pamilya.
Samantala, magugunitang una nang sinabi ng CHR na kinakailangang kasabay ng pagsasapubliko ng narco list ang pagsasampa ng kaso laban sa mga umano’y kabilang sa naturang listahan upang magkaroon sila ng pagkakataon na linisin ang kanilang pangalan.