Hiniling na ng Philippine Federation of Bakers Association Incorporated (PFBAI) sa gobyerno na payagan na ang panibagong dagdag presyo sa pandesal.
Ayon kay PFBAI spokesman Chito Chavez, unti-unti nang namamatay ang industriya ng pagtitinapay dahil sa lumalaking gastos sa sangkap sa paggawa ng paboritong almusal ng mga Pinoy.
Nananawagan anya ang mga Community Baker na itaas sa P4 ang presyo ng regular pandesal mula sa kasalukuyang P2 habang P8 para sa jumbo pandesal.
Ipinaliwanag ni Chavez na tuwing nagmamahal ang harina, mantika at asukal ay agad nagtataas ng presyo ang mga maliit na panaderya kinabukasan dahil kung sa susunod na linggo pa bibili ng supplies ay malulugi naman ang mga ito.
Ganito rin ang sentimyento ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino na aminadong hirap na silang ipagpatuloy ang kanilang operasyon at apektado na rin ang kalidad ng kanilang mga produkto.
Inihayag ni Princess Lunar, Director ng Asosasyon, sumusuko na ang maraming nagtitinapay kahit hindi naman nagbabago ang presyo ng tinapay.
Iginiit ni lunar na kung tutuusin ay maliit lamang ang P4 na hiling ng mga maliit na Community bakery para mabalanse ang kanilang operational cost.
Samantala, umaapela na rin ng tulong mula sa Department of Trade and Industry ang mga nasabing grupo.