Tinalakay na ng mga Regional Director ng Department of Labor and Employment at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) ang hirit na panibagong dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Kinumpirma ni Labor secretary Bienvenido Laguesma na kabilang sa ikinukunsidera ng RTWPB ang kapasidad ng mga negosyo na magbigay ng wage increase at consumer price index.
Bukod anya sa umento, maaari ring palawigin ng gobyerno ang subsidiya sa mga minimum wage earner matapos sumipa sa 7.7% ng inflation rate nitong Oktubre.
Tiniyak ni Laguesma na masusing pinag-aaralan ng wage boards ang umiiral na wage rates upang makasabay sa anumang “developments” sa sektor ng paggawa.
Aminado naman ang Kalihim na sinimulan na rin nilang buksan ang naturang issue sa private sector pero kanyang nilinaw na ang minimum wage adjustments ay maaari lamang ipatupad isang beses kada taon.
Hunyo nang ipatupad sa labing-apat na rehiyon, kabilang sa Metro Manila, ang dagdag-sahod ng mga manggagawa.