Muling binatikos ng Department of National Defense (DND) ang ginawang pagpapalapag ng China sa kanilang military aircraft sa Kagitingan Reef na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Spokesman Peter Paul Galvez, malinaw na isang uri ng paghahamon ang ginagawa ng China sa kabila ng inihaing protesta ng Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal.
Binigyang diin ni Galvez na hindi totoo sa kanilang mga pahayag ang China nang sabihin nitong para lamang sa mga sibilyan ang kanilang ginagawang pagpapalapag ng eroplano sa mga artipisyal na isla.
Dahil dito, umaasa si Galvez na mailalabas na ang desisyon ng International Arbitral Court sa lalong madaling panahon upang maiwasan na ang mga kahalintulad na insidente.
By Jaymark Dagala