Muling ibinasura ng Sandiganbayan 3rd division ang hirit ni dating Makati City Mayor Junjun Binay na idismiss ang kaso nito kaugnay sa maanomalya umanong konstruksyon ng Makati City Hall Building 2.
Sa 25 pahinang resolusyon na may petsang March 12, ibinasura ng Anti-Graft Court ang Motion To Quash ni Binay sa kadahilanang ang argumento nito sa kakulangan ng mga kaso laban sa kanya ay depensang dapat pag-usapan lamang sa isang full-blown trial.
Ang nasabing resolusyon ay pinonente nina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at sinang-ayunan nina Associate Justices Bernelito Fernandez at Sarah Jane Fernandez.
Hindi rin binigyang bigat ng korte ang argumento ng dating alkalde na nabigo ang prosekusyon na i-ugnay siya sa anumang alegasyon maliban sa kanyang paglagda sa mga kontrata sa Hilmarc Construction at approval ng payments.