Sinunog ng mga miyembro ng New People’s Army o NPA ang dalawang heavy equipment ng isang private construction firm sa isang quarry site sa bayan ng Siaton, Negros Oriental.
Ayon sa Siaton Municipal Police, madaling araw kahapon nang dumating ang mga armadong lalaki lulan ng tatlong (3) motorsiklo sa quarry site sa Sitio Pilapil, Barangay Caticugan at sinilaban ang isang backhoe at payloader.
Ang mga sinunog na heavy equipment ay pag-aari ng Medalla Construction ni Medalla Yocor Sia ng Dumaguete City.
Pinagbabaril din ng mga rebelde ang windshields ng mga nasabing equipment at sumigaw ng “Mabuhay ang NPA” tsaka umalis sa crime scene.
Narekober sa crime scene ang 48 basyo ng bala ng carbine, 9mm at isang galong container na naglalaman ng gasolina.
Sa kabila nito, wala namang naitalang nasugatan sa panibagong pag-atake ng komunistang grupo.
By Drew Nacino