Umarangkada na ang panibagong joint counter terrorism exercise ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kabilang sa isang linggong joint operation ang pagsasanay sa live-fire, rescue operations sa gitna ng bakbakan at sitwasyon kung saan marami ang nasaktan o nasawi.
Ayon sa embahada ng Amerika, layunin ng nasabing joint exercises ang mapaigting ang kahandaan ng Estados Unidos at Pilipinas sa iba’t ibang sitwasyon, mapabuti ang pagtugon sa krisis sa rehiyon at mapalakas ang alyansa ng dalawang bansa.
Aabot naman sa siyamnaraang mga tropa ng Estados Unidos ang inaasahang makikilahok sa training na ginaganap sa ilang lugar sa Luzon kabilang ang Clark.
Magugunitang, tila kumambiyo si Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo kung saan pinasalamatan ang Amerika sa ibinibigay na tulong sa bansa para labanan ang terorismo at nangako ng pakikipagkaibigan.
—-