Nakatakdang sampahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng ikalawang kasong kriminal ang grupong Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operator’s Nationwide o PISTON.
Ito’y ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada ay kaugnay ng paglabag sa Section 20 ng Commonwealth Act 146 kasunod ng ikinasang transport strike noong Hunyo 5 at 6 gayundin noong Oktubre 16 at 17 ng nakalipas na taon.
Kasabay nito, iginiit ni Lizada na hindi naman aabot sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas kung hindi rin aniya nagpabaya ang mga transport operators sa kanilang mga pinapasadang sasakyan.
“Nakapasa na po ‘yan sa DTI, sa Philippine National Standards natin, nilagay na po doon yung specifications at depende na sa manufacturers how they will execute based on specifications, may mga parehong itsura pa rin pero compliant po siya, kaya hindi mo masasabing nagbago ang design depende po ‘yan sa local manufacturers, local ang gagawa, yung iba assembled.” Pahayag ni Lizada
Depensa naman ni PISTON President George San Mateo, hindi sila ang nagpaparalisa ng biyahe ng mga pampublikong sasakyan kung hindi ang I-ACT o Inter – Agency Council on Traffic kung saan kabilang si Lizada bilang kinatawan ng LTFRB.
“Ilang araw na ‘yan mula nang ma-stranded ang ating mga pasahero dahil sa operation ng I-ACT, aminado sila kaya nag-deploy sila ng mga sasakyan eh, ang problema hindi kayang saluhin ng mga sasakyan nila, manghuhuli sila para mapatakbo yung mga electric jeep, Euro 4, kitang-kita mo ang DOTr sales agent na sales agent.” Pahayag ni San Mateo
(Balitang Todong Lakas Interview)