Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong kaso ng “tanim bala” sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport.
Kasunod ito ng post sa Facebook ng isang Kristine Moran na mayroon siyang nadiskubreng bala sa kanyang bagahe habang nagche-check– in sa Gate 2 ng NAIA Terminal 3.
Ayon kay Special Assistant to the President Bong Go, binigyan lamang ng bente kwatro oras ng Pangulo ang mga opisyal ng NAIA para isumite sa kanya ang resulta ng imbestigasyon kung saan nakatakdang magtapos ang deadline nito mamayang alas singko ng hapon.
Giit ng Gobyerno, hindi nila kailanman pahihintulutan ang nasabing modus operandi kasabay ng paghikayat sa iba pang biktima na lumantad.
Samantala, sa ibang pahayag, sinabi ng MIAA o Manila International Airport Authority na wala ng tanim bala sa NAIA, pero tiniyak na tutulong pa rin sila sa Office of Transportation Security sa pagsasagawa ng kanilang sariling imbestigasyon hinggil sa insidente.