Inatasan na ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang Criminial Investigation and Detection Group o CIDG na imbestigahan ang isa na namang kaso ng vaccine slot for sale.
Ito’y matapos ibunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na may 2 fixer silang nahuli na nagaayos ng vaccination slot para maisingit ang mga nagnanais nang mauna sa pila ng pagbabakuna kapalit ang hindi tinukoy na halaga.
Ayon sa PNP Chief, kaya niya pinatututukan sa CIDG ang kaso sa paniniwalang hindi lamang nangyayari sa Pasig ang ganitong uri ng modus kundi sa iba pang panig ng Metro Manila.
Nakadidismaya aniyang sinasamantala ng ilang mga walang kaluluwa ang sitwasyon upang makapanlamang ng kapwa kung saan, biktima pa rin ang mga mahihirap at walang laban.
Kasunod nito, umapela si Eleazar sa publiko na huwag tangkilikin ang ganitong uri ng pananamantala at idulog sa kanilang e-sumbong kung may nalalaman silang gumagawa ng ganitong klaseng iligal na aktibidad.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)