Nagsampa na naman ng panibagong kaso si Vice President Jejomar Binay laban sa isa sa mga kritiko nito na si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado.
Kasong libelo ang muling inihain laban kay Mercado sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Atty. Claro Certeza, abogado ni Binay, layunin ng kaso na patunayan na nagsisinungaling lamang si Mercado nang akusahan nito ang Bise Presidente ng extortion o pangingikil ng condo units sa mga developer ng condo buildings sa Makati kung saan nasa 60 to 70 percent umano ang hiningi ni Binay.
Pero ayon kay Certeza, itinanggi na ng mga developer ang naturang akusasyon.
Ang mga sinasabing condo developer ay ang SM Development Corp., Megaworld Corp., Robinsons Land Corp., Rockwell Land Corp. at ang Eton Properties.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco