Asahan na ang panibagong taas presyo sa mga produktong petrolyo ngayong linggo.
Ayon sa Department of Energy o DOE, maglalaro sa apatnapung sentimo (P0.40) hanggang sikwenta sentimo (P0.50) ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel, gasolina at kerosene.
Ang panibagong oil price hike ay sanhi ng pagtataas naman sa presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Ito na ang ika-pitong sunod-sunod na linggong dagdag presyo sa diesel at kerosene habang pangatlong sunod na linggo naman sa gasolina.
Samantala, tumaas naman ng piso hanggang dalawang piso kada kilo ang presyo ng bigas simula noong ikatlong linggo ng Enero dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ito ay ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, batay na rin sa kanilang nakuhang report mula isinagawang price monitoring ng PSA o Philippine Statistics Authority.
Anila, batay sa tala ng PSA, umaabot sa piso kada kilo ang itinaas ng special at premium rice at regular well-milled rice habang dalawang piso kada kilo sa premium well milled rice.
Naitalang ang pinakamataas na dagdag presyo sa well milled rice sa Kidapawan City na umabot ng tatlong piso kada kilo habang dalawang piso kada kilo sa Metro Manila at Naga City.
Tumaas din anila ng hanggang sampung piso kada kilo ang presyo ng karne ng baka at baboy habang nasa dalawang piso hanggang bente pesos ang dagdag sa kada kilo ng manok.
Ayon kay KMP Chairman Danilo Ramos, ang nasabing taas sa presyo ay resulta ng sunod-sunod na oil price hike dulot ng TRAIN Law.
Iginiit pa ni Ramos na hindi titigil ang nasabing pagtataas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin hangga’t umiiral ag TRAIN Law na sobrang magpapahirap sa mga Pilipino.
—-