Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang ang Lanao del Norte Police Provincial Office na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ito’y may kaugayan sa kaso ng pagpatay kay Audrey Gaid Estrada, komentarista ng 101.3 Grace Covenant FM sa bayan ng Bacolod, Lanao del Norte.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, natagpuan ng mga pulis ang labi ng biktima sa ikawalang palapag ng kanyang bahay nang rumesponde sa tawag tungkol sa nangyaring pananaksak.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng 15 saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan at narekober din ng mga pulis ang isang 13 pulgadang kitchen knife sa unang palapag.
Pero ayon kay Carlos, masyado pang maaga para sabihin na may kinalaman ang krimen sa kanyang trabaho bilang broadcaster.
Gayunman, hindi ito isinasantabi ng PNP dahil karamihan sa mga nabiktima ng karahasan nitong mga nakalipas na panahon ay pawang mga komentarista sa radyo.
Tiniyak din ni Carlos na gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang sinumang may pananagutan sa naturang krimen. – ulat mula kay Jaymark Dagala