Tinawag na isang kahibangan at sintonado ng Malakaniyang ang muling pag-iingay ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang buwelta ng palasyo makaraang direktang akusahan ang Pangulo na may kumpas umano sa pagpapalabnaw ng kaso laban kina Supt. Marvin Marcos at iba pang pulis na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi na pag-aaksayahan ng panahon ng palasyo na sagutin ang mga panibagong patutsada na ito ng Senador sa halip ay tingnan na lamang ang sagot nito sa panayam ng BBC o British Broadcasting Corporation na sumasalamin sa kaniyang pagkatao.
Mas mainam ayon kay Abella na himayin ang naging panayam kay Trillanes ni Stephen Sackur ng BBC kung saan siya sinopla ng reporter at sinabihang sintunado at hindi napapanahon ang mga pahayag nito.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping