Muling lumantad sa publiko si Retired SPO3 Arthur Lascañas ng Davao City Police upang patotohanan ang mga naging pagbubunyag ng self-confessed Davao Death Squad member na si Edgar Matobato.
Ayon kay Lascañas, totoong binabayaran sila ni noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte para magtumba o pumatay na mula sa allowance ng Office of the Mayor.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Arthur Lascañas
Kabilang sa mga iniutos sa kanila ni Duterte ay ang pambobomba sa isang mosque sa Davao City, pagdukot sa ilang personalidad at ang pagpatay sa mamamahayag na si Jun Pala
Magugunitang humarap na sa naging pagdinig ng senate committee on Justice and Human Rights si Lascañas kung saan, pinabulaanan nito ang mga naging testimonya ni Matobato na mayroong Davao Death Squad.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Arthur Lascañas
Samantala, handang panumpaan ni Retired SPO3 Arthur Lascañas ang lahat ng kanyang ibinunyag patungkol sa DDS o Davao death Squad.
Ayon kay Atty. Arno Sanidad ng FLAG o Free Legal Assistance Group, sasaguting lahat ni Lascañas ang lahat ng katanungan pagdating ng panahon sa tamang ahensya ng pamahalaan o sa isang senate investigation.
Bagamat hindi idinetalye ni Sanidad kung bakit nagbago ng tono si Lascañas, umaasa anya sila na magiging susi ang kanyang testimonya sa mas malawak pang imbestigasyon sa DDS at pagkakasangkot dito ng Pangulong rodrIgo Duterte.
Matatandaan na si Lascañas ay itinuro noon ni Edgar Matobato na lider nila sa DDS subalit itinanggi ito ni Lascañas.
Nakasagutan rin noon ni Lascañas si Senador Antonio Trillanes IV na ngayon ay kasama niya sa pagharap sa press conference.
Aminado si Sanidad na puwedeng kasuhan si Lascañas dahil sa kanyang pag-amin na lider siya ng DDS at binabayaran siya ng P100,000 kada target ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Gayunman, hinamon ni Sanidad ang awtoridad na kung kakasuhan at aarestuhin si Lascañas, dapat rin nilang isama lahat ng kanyang pinangalanang sangkot sa DDS kabilang na ang pinakamataas na opisyal ngayon sa bansa.
Free Legal Assistance Group
Dumipensa din ang FLAG o Free Legal Assistance Group sa pagtulong na ginagawa nila kay Retired SPO3 Arthur Lascañas.
Ayon kay Atty. Jose Manuel Diokno, Chairman ng FLAG, bukas ang kanilang tanggapan sa lahat ng nangangailangan ng tulong na legal lalo na sa mga ganitong klase na may kaugnayan sa impunity at paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi ni Diokno na ang tanging hiling lamang naman sa kanila ni Lascañas ay tulungan siyang mangumpisal sa publiko hinggil sa naging papel niya sa DDS o Davao Death Squad kung saan idinawit niya ang Pangulong Rodrigo Duterte na noo’y mayor pa ng syudad.
Inamin ni Diokno na kliyente rin niya si Senador Leila de Lima subalt wala aniya itong nalalaman sa paglutang o paglapit sa flag ni Lascañas.
By Jaymark Dagala | Len Aguirre | Report from Cely Bueno (Patrol 19)