Sesegundahan ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption ang petisyong inihain ng Grupong Go Act sa Korte Suprema para pigilan ang pagpapatupad ng gun ban ngayong election period.
Naniniwala si VACC Chairman Dante Jimenez na mayroong abuse of discretion dito ang COMELEC dahil sila ang tumutukoy kung sino lamang ang dapat na makapagdala ng baril.
Sa ngayon anya ay pinag-aaralan na ng kanilang mga abogado ang paghahain ng kahalintulad na petisyon sa Korte Suprema.
Ayon kay Jimenez, napakarami nilang miyembro ang nangangailangan ng proteksyon dahil nasa panganib ang buhay araw-araw dahil sa mga kasong ipinaglalaban nila.
Tinukoy na halimbawa ni Jimenez si Arsenio Evangelista, ama ng car dealer na si Venson Evangelista na di umano’y pinatay ng Dominguez Carnap Group dahil isa isa nang naitutumba ang kanyang mga testigo sa kaso.
Sinabi ni Jimenez na mahabang panahon inaabot ang pag-aaplay ng exemption sa COMELEC kaya’t nalalagay rin sa panganib ang buhay ng mga biktima na hindi kayang protektahan ang sarili.
By Len Aguirre