Ibinunyag ni Senate President Tito Sotto III ang anito’y panibagong scam sa Philippine Insurance Corporation o PhilHealth na kinasasangkutan ng isang neurologist sa South Cotabato.
Sa naging deliberasyon ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) sa 2019, sinabi ni Sotto na isang neurologist aniya ang nakipagsabwatan sa ilang pinagsisilbihan nitong ospital para maka-kolekta ng pera sa PhilHealth.
Tinukoy ni Sotto ang nasabing neurologist na si Dr. Mark Dennis Menguita na taga-Koronadal City.
Bahagi aniya ng modus ni Menguita ang kumuha ng mga pasyente na kanyang inupahan para ma-confine sa mga ospital at makakolekta ng medical expenses.
Kinumpirma naman ng PhilHealth ang ibinunyag na impormasyon ni Sotto sa pamamagitan ni Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito.
Ayon kay Ejercito, iniimbestigahan na ng PhilHealth ang nasabing neurologist na posibleng matanggalan ng lisensiya sakaling mapatunayan ang alegasyon laban dito.
—-