Nagpalabas ng bagong quarantine passes ang Pamahalaang Lungsod ng Cebu upang malimitahan ang paglabas sa tahanan at paggalaw ng mga residente doon.
Kabilang ito sa mga ipinatutupad na hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapigil ang lalu pang pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, nagtataglay ng QR codes ang mga bagong quarantine passes na ibibigay lamang sa isa katao kada bahay at hindi maaaring i-transfer o ipagamit sa iba.
Aniya, hahatiin ang mga residente sa dalawang grupo kung saan makalalabas lamang tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes ang mga may hawak ng quarantine pass na may QR code na nagtatapos sa odd numbers.
Habang ang mga may quarantine pass na ang QR code ay nagtatapos sa even numbers ay makalalabas lamang ng bahay tuwing Martes, Huwebes, at Sabado.
Wala namang papayagang malabas ng mga tahan tuwing Linggo maliban na lamang kung nasa emergency situation.
Sa kasalukuyan, tanging Cebu City na lamang ang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) kasunod na rin ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositobo sa COVID-19 doon.