Umalma ang ilang mga konsyumer group hinggil sa anunsyo ng MERALCO o Manila Electric Company sa panibagong dagdag singil sa kuryente ngayong buwan.
Ayon sa Laban Konsyumer Incorporated, panahon na para magpatupad ng price cap ang Energy Regulatory Commission, Department of Energy at wholesale electricity spot market bunsod ng pagsasailalim sa yellow at red alert ng Luzon grid.
Una rito, ipinatupad ng MERALCO ang mahigit anim na sentimos na umento sa kada kilowatt hour sa singil ng MERALCO o katumbas ng 12 pisong dagdag para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour kada buwan.
Paliwanag ni MERALCO Spokesman Joe Zaldarriaga, ang panibagong rate adjustment ay bunga ng pagtaas ng generation charge gayundin ang paghina ng palitan ng piso kontra dolyar bukod pa sa mataas na konsumo ngayong tag-init.
Samantala, pinag-aaralan pa ng MERALCO ang magiging sitwasyon para sa susunod na buwan subalit nagpahiwatig na ito na posible pang madagdagan ang kanilang ipatutupad na rate increase.