Posibleng magbigay ng panibagong rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force for The Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay ng ipatutupad na community quarantine, matapos ang Pasko.
Ito ang inahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kasabay ng pagtanggi sa ulat na muling isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Nograles, fake news ang nabanggit na ulat dahil isang beses lamang aniya kada buwan sila nagbibigay ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani Nograles, nakapagbigay na sila ng abiso sa pangulo bago pa man ang Disyembre kung anong klasipikasyon ng community quarantine ang ipatutupad ngayong buwan.
Aniya, nakatakda ang susunod nilang pulong pagkatapos ng Pasko kung saan kanilang isusumite ang rekomendasyon at pagpapasiyan ang ipatutupad na community quarantine sa Enero.
Binigyang diin naman ni Nograles na maliban sa idinideklara ng national government, maaari ring magpatupad ng localized community quarantine ang lokal na pamahalaan.